YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, November 11, 2014

Ilang pamilyang biktima ng bagyong Yolanda sa Malay, tinanggal umano sa listahan ng MSWDO

Posted November 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Ilang pamilyang biktima ng bagyong Yolanda sa Malay ang umalma at napilitang lumapit sa YES FM Boracay.

Tinanggal umano kasi sa listahan ng MSWD o Municipal Social Welfare Development Office ang kanilang mga pangalan at pinalitan pa ng mga hindi naman biktima ng bagyo.

Ayon sa isang nagrereklamong hindi na pinangalanan, inilapit nila ang problema kay mismong Poblacion Barangay Captain Ric Calvario.

Subali’t sinabi umano ni Calvario na wala itong kinalaman sa sinasabing listahang pinalitan ang mga pangalan.

Samantala, isa namang nagrereklamo ang nagsabing hindi umano ibibigay sa kanila ang bahagi ng tulong-pinansyal sa darating na Disyembre kung hindi ang mga ito aalis sa sinasabing ‘No Build Zone’ area sa nasabing barangay.

Kaugnay nito, ipinaabot ng mga nasabing pamilya sa pamamagitan ng himpilang ito na ibigay sa kanila ang tulong na matagal na umano nilang hinihintay mula sa pamahalaan.

No comments:

Post a Comment