YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, January 15, 2014

PCG, posibleng magkansela ng byahe ng mga bangka, sakaling maging ganap nang bagyo ang LPA

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Posible umanong magkansela ng byahe ng mga bangka ang Philippine Coast Guard (PCG) sakaling maging ganap nang bagyo ang Low Pressure Area (LPA).

Ayon kay Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla.

Maging sila ay binabantayan din umano ang nasabing namumuong sama ng panahon na anumang oras ay magiging ganap na bagyo.

Bagamat ipinaliwanag din nito na batay sa alituntunin na kanilang sinusunod, kapag nasa Storm Signal No. 1 umano ang bagyo ay maaari paring payagan na bumyahe ang isang bangka pero may mga kondisyon.

Isa na rito ay depende sa sitwasyon ng alon na kung sa tingin naman ng Coast Guard ay maaaring makapaglayag at dapat nasa 50 percent lamang umano ang pasahero ng bangka.

Samantala, sinabi naman ni Sulla na dapat manatiling nakatutok sa telebisyon at radyo ang mga mamamayan para sa mga update at sitwasyon ng bagyo.

Huling nabatid sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Association (PAGASA), na bukas ng gabi ay magiging bagyo na ang LPA at inaasahan na tatawid sa mga isla sa Visayas kung saan makaka-ipon na umano ito ng lakas.

Kung tuluyang mabuo bilang tropical depression, ito ay tatawagin nang “Agaton,” na syang kauna-unahang bagyo ngayong 2014.

Huli namang namataan ang sentro ng LPA sa layong 100 kilometro sa silangan ng Borongan, Eastern Samar.

No comments:

Post a Comment